Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang selebrasyon ng ika-124 na anibersaryo ng proklamasyon ng Araw ng Kalayaan sa Rizal Park sa Maynila.
May tema ito na “Kalayaan 2022: Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas.”
Alas-8:58 ng umaga nang itinaas na ni Pangulong Duterte ang watawat ng Pilipinas.
Pagkatapos nito ay nag-alay ng bulaklak sa bantayog ni Dr. Jose Rizal ang pangulo kasama ang matataas na opisyal ng pamahalaan.
Nagkaroon din ng 21-gun salute at flyby gamit ang air asset ng Philippine Air Force.
Nabatid na tumagal lamang ng 10 minuto ang aktibidad sa Luneta Park.
Samantala, kaugnay ng Independence Day ay hinikayat ng pangulo ang mga Pilipino na sundan ang katapangan ng mga bayaning Pilipino na lumaban para sa kalayaan ng Pilipinas.
Maliban sa Rizal Park, nagkaroon din ng simultaneous flag-raising at wreath-laying ceremonies sa ilang national historical sites sa bansa kabilang sa Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite; Pinaglabanan Shrine sa San Juan City; Bonifacio Monument sa Caloocan; at Pamintuan Mansion sa Angeles City, Pampanga.