Cauayan – Pinaghahandaan na ng City Nutrition Office ng siyudad ng Cauayan ang mga aktibidad para sa selebrasyon ng Buwan ng Nutrisyon.
Ayon kay Ginang Jane Yadao, City Nutrition Officer ng siyudad, ang tema ng selebrasyon ngayong taon ay “Healthy Diet Gawing Habit For Life.”
Paliwanag ni Ginang Yadao, napili ng National Nutrition Council Governing Board ang nasabing tema dahil marami ng sakit sa ngayon ang nakukuha sa maling pagkain.
Layunin din nito na mahikayat ang mga magsasaka na magtanim na mga produktong organic.
Kabilang sa mga aktibidad ay ang pagbibigay ng mga impormasyon tungkol sa kalusugan sa labing limang piling barangay sa siyudad.
Magkakaroon din ng infant race para sa mga batang edad isa hanggang dalawang taong gulang; Search for Pretty Preggy; slogan and poster making contest na lalahukan ng mga estudyante mula elementarya at sekondaraya; hulahoop competition; at cook fest.
Magsisimula ang isang buwang aktibidad sa araw ng Lunes at gaganapin ito sa Fldy Coliseum dito sa lungsod ng Cauayan.