Cauayan City, Isabela-Aabot sa 600 volunteers ang nakiisa sa simultaneous bamboo planting activity na pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources ngayong araw, Setyembre 18, 2021.
Ito ay sa harap ng selebrasyon ng World Bamboo Day na may temang “Alay ng Bayan sa Inang Kalikasan: Kawayan”
Nasa higit 4,000 propagules o uri ng punong kahoy gaya ng bayog, kiling, tinik at yellow bamboo ang itinanim sa paligid ng ilog na sakop ng mga bayan ng Enrile, Solana at Sanchez Mira sa Cagayan; Angadanan, City of Ilagan, Echague at Quirino sa Isabela; Maddela sa Quirino; at Aritao, Bayombong at Dupax del Sur sa Nueva Vizcaya.
Nitong buwan ng Pebrero, ang Cagayan River Restoration Program ay inilunsad sa ilalim ng Build Back Better Task Force na pinamunuan ni DENR Secretary Roy Cimatu na layong isailalim sa rehabilitasyon ang Cagayan river sa pamamagitan ng pagtatanim ng puno ng kawayan upang maiwasan ang pagguho ng lupa at pagbaha.
Inatasan naman ni DENR Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan ang mga opisyal ng provincial and community environment and natural resources na iprayoridad na itanim sa tabi ng Cagayan river at mga tributaries.
Ayon naman kay Conservation and Development Chief Enrique Pasion, higit 131,000 bamboo propagules ang nagawa ng DENR employees mula sa modernong forest nursery sa Solana, Cagayan at sa regional clonal nursery sa Tuguegarao City at iba pang pangunahing nurseries sa mga community environment and natural resources offices.