Inanunsiyo ng Bangsamoro Darul Ifta Grand Mufti na ngayong araw na ang simula ng selebrasyon para sa Eid’l Fitr o pagtatapos ng pag-aayuno at ng buwan ng Ramadan na nagsimula noong Abril 3.
Ayon kay Grand Mufti Abuhuraira Udasan, ito ay matapos na magpakita ang buwan kagabi sa isinagawang tradisyunal na moon-sighting session.
Samantala, idineklara naman ng Palasyo ng Malacañang na holiday bukas, Mayo 3 bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng mga kapatid nating Muslim.
Kasunod nito, muling ipinaalala ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Chief Minister Ahod Ebrahim na panatilihin ang pagsunod sa Minimum Public Health Standards sa mga isasagawang selebrasyon.
Umaasa rin si Ebrahim na mananaig ang kapayapaan, pasensya at pag-intindi sa bawat isa at hindi masisira ang pag-aayuno dahil sa pagkakaiba ng mga pinaniniwalaan sa pulitika.
Sa huli, hinikayat din ni Ebrahim ang mga residenteng hindi pa bakunado na magpaturok na ng COVID-19 vaccines ngayong magkakaroon ng special vaccination sa rehiyon.