Nilinaw ni Testing Czar at Presidential Adviser for COVID-19 response Secretary Vince Dizon na wala pang aprubadong self-administered COVID-19 test kits sa Pilipinas.
Ayon kay Dizon, pinag-aaralan pa ito sa ngayon ng mga eksperto.
Ani Dizon, dahil sa pagtaas ulit ng kaso ng COVID-19 sa bansa kasunod nang pagpasok ng Omicron variant, nagpe-presition na ang pamahalaan ng mga supplies sa ating mga laboratoryo at nakatitiyak siya na sasapat naman ito sa ngayon.
Pero para kay Dizon, mabuting ikonsidera na rin ang paggamit ng self-administered COVID-19 test kits tulad ng ginagawa sa ibang mga bansa.
Una nang sinabi ng Food and Drug Administration (FDA) na walang tatanggap sa resulta ng mga self-administered test kits kahit na nabibili na ito sa ngayon online.
Hindi rin ito magagamit sa pagbiyahe at mas lalong hindi rin ito tatanggapin sa mga health facilities, dahil ang mga health professionals lamang ang dapat na magsagawa ng pagsusuri at magpapaliwanag ng resulta ng mga COVID-19 test kits.