*CAUAYAN CITY* – Ang pagseselos ay wala sa edad. Hindi ito monopolyado ng mga kabataan o ng mga relatibong nakakabata.
Pinatunayan ito ng isang lolo sa San Mariano, Isabela nang pagtatagain niya ang kapwa lolo sa nasabing bayan. Ayon kay P/Corporal Jhonimar Baingan, imbestigador ng PNP San Marianon,ito ang ikinukunsedera nilang angulo sa pananaga ni Casamiro Madela kay Pablo Tagao, biyudo at kapwa 70 taong gulang na parehong residente ng brgy. Ibujan, San Mariano.
Lumalabas sa inisyal na pagsisiyasat ng PNP sa nabanggit na bayan napauwi na si Tagao galing sa kanyang bukid nang yayain siya ng stepson ng suspek na makipag-inuman sa kanila. Habang nasa kalagitnaan ng kasayahan habangnag iinuman ay dumating ang suspek.
Agad umanong kumuha ito ng itak at walang pasintabing pinagtataga ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan. Dahil sa pagkabigla at kargado ng alak ay hindi na nagawang makaiwas si Tagao at nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Bago ang insidente ng pananaga ayon pa kay PO3 Baingan,ay nasabi na ng kinakasama ni Madela sa kanyang anak ang labis pagseselos nito kay Tagao. Sinasabing may relasyon umano sina Tagao at ang hindi pinangalanang kinakasama ni Madela. Ang hinalang ito ay mariing namang itinanggi ng ginang.
Agad na dinala sa San Mariano Community Hospital si Tagao ngunit pagkalipas malapatan ng paunang lunas ay inirekomendang ilipat siya sa Gov. Faustino N. Dy Memorial Hospital sa Ilagan City.
Sa ngayon, ang suspek ay nasa kustodiya na ng PNP San Mariano matapos maaresto ng mga sundalong nagsasagawa ng Community Support Program sa mga oras na iyon sa naturang barangay.
Nakahanda na ang kasong frustrated murder na nakatakdang isampa laban kay Madela.