Selosong Mister, Binugbog ang Misis dahil sa Pagseselos sa 30-anyos na Lalaki

145

Cauayan City, Isabela- Matinding pambubugbog ang sinapit ng isang 64-anyos na lola mula sa kamay ng kanyang mister noong June 22, 2021 sa Sanchez Mira, Cagayan.

Sa ulat ng Police Regional Office 2, nakilala ang suspek na isang 66-anyos na sinasabing dahil sa matinding selos sa 30-anyos na lalaki kung kaya’t nagawa niyang saktan ang misis.


Ayon sa biktimang itinago sa pangalang Gloria, pasado ala-1:00 ng hapon noong nakaraang lunes ng makaranas ng sampal, suntok at pinagsisipa mismo ng kanyang asawa dahil sa alegasyong may kinahuhumalingan ng biktima ang nasabing 30-anyos na lalaki.

Nag-ugat umano ang selos ng suspek matapos maaktuhan di umano ng matanda na hinahawakan ng lalaki ang hita ng kanyang misis habang nagnganganga.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na madalas umano ang pagpunta ng lalaki sa bahay ng mag-asawa upang humingi ng sangkap sa ‘nga-nga’.

Sinabi pa ng biktima na madalas itong sinasaktan ng kanyang mister sa tuwing lango sa nakalalasing na inumin.



Napag-alaman na dati ng may kinaharap na kasong kriminal ang suspek sa probinsya ng Apayao at nakalaya lamang dahil sa probation.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa RA 9262 o “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 ang suspek na nasa kustodiya ng pulisya.


Facebook Comments