Manila, Philippines – Inaasahang 10 porsiyento ang itataas ng bilang ng mga motoristang dadaan sa South Luzon Expressway (SLEX) para makauwi sa mga probinsiya.
Dahil dito, ayon kay Marlene Ochoa, Corporate Communication SMC Infrastructure, nagdagdag na sila ng collection booths, ambulant tellers na layong magbigay ng libreng mechanical troubleshooting at emergency booths.
Aniya, babantayan rin ang exits kung saan madalas magkaroon ng pagkaipon ng mga sasakyan gaya sa Skyway-Alabang, Calamba Toll Plaza, at Ayala Toll Plaza.
Nakaantabay naman na sa North Luzon Expressway (NLEX) ang team na aagapay sa mga motoristang kailangan ng tulong tulad ng libreng tawag, Wi-Fi, at serbisyong medikal.
Simula rin aniya ng alas-6 ngayong umaga, may libreng towing services sa NLEX.
Paalala ng pamunuan ng NLEX at SLEX, siguruhing nasa maayos na kondisyon, hindi lang ang sasakyan, kundi ang mismong mga magmamaneho para maiwasan ang anumang aberya sa daan.