Hindi minasama ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang apela ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rommel Marbil sa mga dating PNP chief na linawin ang kanilang mga naging papel sa “war on drugs” ng dating administrasyong Duterte at ang balak na pagpapaimbestiga sa isyu ng reward system.
Kaugnay na rin ito ng alegasyon ni retired Police Colonel Royina Garma kung saan inihayag sa quad committee hearing ng Kamara na mayroong cash reward system sa hanay ng PNP para sa bawat mapapatumba o mapapatay na drug suspects.
Ayon kay Dela Rosa, ayos lamang ito sa kanya bilang si Marbil naman ang kasalukuyang PNP chief.
Aniya, maaaring magkusa si Marbil ng sariling fact-finding o pagiimbestiga lalo’t ang PNP ang siyang nakakatanggap at apektado ng isyu.
Mababatid na sinabi rin ni Marbil na sisilipin nila ang mga seryosong akusasyon ni Garma upang matiyak ang accountability at transparency sa kanilang hanay.