Manila, Philippines – Ikinatuwa ni Senator Ronald Bato Dela Rosa na makakatuwang na ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Inaasahan ni Dela Rosa na may ibang diskarte ang bise president para solusyunan ang problema sa ilegal na droga lalo pa at matindi ang pagkontra nito sa oplan tokhang.
Pero depensa ni Dela Rosa, lahat naman ay umiiwas sa pagpatay at walang gusto na ito ay gawin subalit hindi maiwasan dahil tayo ay nasa giyera kontra ilegal na droga kung saan ang kalaban ay malalaking sindikato.
Paliwanag pa ni Dela Rosa, umaabot na sa 120 ang mga pulis na nasawi sa war on drugs dahil lumalaban at pumapatay talaga ang mga inaaresto nilang sangkot sa ilegal na droga.
Dagdag pa ni Dela Rosa, bilang dating hepe ng pambansang pulisya ay ginawa at ibinigay niya ang lahat para magtagumpay ang kampanya laban sa ilegal na droga at umaasa sya na ibubuhos din ni Robredo ang lahat ng kaya nito para sa kapakinabangan ng buong sambayanang Pilipino.