Umalma si Senator Bong Revilla Jr. sa tila paghahamon ni Manila Mayor Isko Moreno sa mga mambabatas, miyembro ng gabinete, at iba pang lider ng bansa sa gitna ng pakikipagtuos sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa Facebook Live ni Revilla kasama ang anak na si Cavite Vice Governor Jolo Revilla, sinabihan niya ang alkalde na hindi ito ang tamang panahon para mambatikos o mamersonal ng mga opisyal.
(Video of Sen. Bong Revilla will start at 8:30)
“Sana naman, huwag ganoon. Masakit dahil alam naman natin Yorme, Isko, you’re a very good friend of mine… Alam mo rin naman na lahat kami nagtatrabaho. Hindi kami nagpapabaya.”
Kahit raw naka-quarantine ang senador, patuloy raw ang pagtulong niya sa ibang local government units kagaya sa Rizal at kung paano masosolusyunan ang kakulangan ng supply ng bigas.
Mas mainam daw na unahin muna ang pangangailangan ng publiko kaysa sa pamumulitika.
“Nasaktan kami lahat, dahil unfair iyun para sa amin. Pinasok namin ito na alam namin delikado. Pero ganunpaman, tuloy pa rin ang trabaho namin. Sa oras na ito ay matugunan natin ang pangangailangan ng taumbayan.”
“Hindi tayo dapat mag-upakan. Hindi tayo dapat magsiraan. Ang kailangan nating tugunan ay yung gutom ng mga tao,” pakiusap pa ng mambabatas.
Sa parehong Facebook page, makikita ang update ni Revilla kaugnay sa mga ipinamimigay na relief goods, food assistance at maging ang mga personal protective equipment (PPE) para sa mga frontliner.
Matatandaang isinailalim sa enhanced community quarantine ang buong Luzon bilang precautionary measures laban sa pagkalat ng nakakahawang virus.