Umapela si Senator Chiz Escudero na bigyan ng pagkakataon ang mga lider ng Senado na mapuna at ayusin ang mga sariling pagkakamali sa ipinasang Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.
Kaugnay na rin ito sa nagbabanggaang probisyon ng panukala patungkol sa magkaibang prescriptive period sa pagpapataw ng parusa kung saan sa Section 50 ay 10 taon ang prescriptive period habang sa Section 51 ay nakalagay naman ang 20 taon na prescriptive period o panahon na maaaring habulin ang mga lumabag oras na ito ay maging ganap na batas.
Ayon kay Escudero, maaari pa namang maituwid ang naturang pagkakamali sa pamamagitan ng pormal na amyenda o joint resolution ng dalawang kapulungan pero ito ay magiging kahihiyan.
Muling sinabi ng senador na anumang bagay na minadali ay hindi talaga maganda ang kalalabasan.
Pero para kay Escudero, mabuting bigyan muna ng pagkakataon na manalamin ang mga mambabatas para makita nila kung ano ang dapat baguhin at bigyan ng tsansang ayusin ang naaprubahan nang panukala.
Dagdag pa ni Escudero, sa ngayon ay hayaan na lang ang mga senador na aminin mismo nila na mayroon talagang pagkakamali sa minadaling Maharlika fund.