Sen. Cynthia Villar: Cha-Cha, mahihirapang mailusot sa Senado

Aminado si Senator Cynthia Villar na mahirap makalusot sa Senado ang panukalang amyenda sa 1987 Constitution.

Kasunod na rin ito ng paghahain ni Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes Chairman Robin Padilla ng resolusyon na nagsusulong ng Charter Change (Cha-Cha) sa political provision ng Konstitusyon.

Nagpahayag din ang Kamara na muling bubuhayin ang Cha-Cha para amyendahan naman ang economic provisions.


Ayon kay Senator Cynthia Villar, kung ang buong Senado ang tatanungin ay malabo itong magkaroon ng suporta sa ngayon dahil sa pangkalahatan ay inaayawan at unpopular ito sa mga Pilipino.

Bukod dito, duda si Villar na magalaw at tamaan ang ibang mga probisyon ng saligang batas kahit pa ang sinasabi ng ilang kongresista ay economic provisions lamang ang amyendahan.

Sa pagsusulong naman ng Cha-Cha para sa political provision, sinabi ni Villar na mukhang mahihirapan si Padilla na makumbinsi ang mga kapwa senador.

Dagdag pa ng senadora, kanila namang titingnan at aaralin ang resolusyon ni Padilla pero sa tagal niya na sa politika ay hindi dapat nagtutulak ng isang polisiya na inaayawan ng mga tao.

Facebook Comments