Malungkot na ipinaalam ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa publiko na siya ay nagpositibo sa COVID-19 test kahapon.
Sa kanyang Facebook post ay pinayuhan ni Dela Rosa ang lahat ng kanyang nakasalamuha na gawin ang kinakailangang hakbang alinsunod sa protocols kaugnay sa COVID-19.
Base sa impormasyon mula sa kanyang tanggapan, maayos naman ang kondisyon ni Dela Rosa bagama’t mayroon itong ubo at sipon.
Ang kanya umanong panganay na anak na babae ay positibo din sa COVID-19 pero ito ay asymptomatic o walang nararanasan na anumang sintomas ng virus.
Nagpositibo rin sa sakit ang kanyang driver at dalawang kasamahan sa bahay.
Sabi naman ni Senate President “Tito” Sotto III, sila ay nagpa-swab antigen test na kagabi at negatibo ang resulta.
Ayon kay Sotto, si Senator Dela Rosa ay nasa Senado noong Miyerkules pero hindi naman sila nagkaroon ng close contact dito.
Si Dela Rosa ay panglima na sa mga Senador na nahawaan ng COVID-19.
Nauna sa kanyang tinamaan ng virus pero gumaling na ay sina Senators Juan Miguel Zubiri, Sonny Angara, Koko Pimentel at Ramon “Bong” Revilla Jr.