Sen. Escudero, naniniwalang buwag na ang “Uniteam”

Naniniwala si Senator Chiz Escudero na natuldukan na ang “Uniteam” sa pagitan nina Pangulong Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte.

Ito ay kahit pa dumalo si VP Sara sa parehong rally ng Bagong Pilipinas sa Maynila at sa Davao City na pinangunahan naman ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Escudero, 98 o 99 percent nang buwag ang Uniteam at ang pagdalo rin ni VP Sara sa Prayer Rally sa Davao na pinangunahan ng kanyang pamilya ay maliwanag na nagwakas na ang pagkakaisa sa pagitan ng pangulo at bise presidente.


Bagama’t hindi aniya nagsalita ang vice president sa rally sa Davao kagabi pero naroon siya at nakiisa sa mga maaanghang na salita na binitawan lalo na ng kanyang ama na si dating Pangulong Duterte.

Tinukoy ni Escudero na nagsimula ang lamat sa relasyon ng dalawang lider ng bansa nang magpanukala si Pangulong Marcos ng confidential funds para sa Office of the Vice President (OVP) na kalaunan ay ikinasama pa ng Bise Presidente at hindi man lang pumalag o pumosisyon dito ang Pangulo.

Giit pa ni Escudero dapat nang rendahan ni Pangulong Marcos Jr., ang kanyang pinsan na si Speaker Martin Romualdez at huwag sanang ipagkibit balikat lang ng presidente ang nangyayari dahil tiyak na babalik sa kanya ito at aakalain ng marami na pumapayag siya sa isinusulong na pekeng People’s Initiative.

Facebook Comments