Manila, Philippines – Pinapakilos ni Committee on Economic Affairs Chairman Senator Win Gatchalian ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Energy (DOE) para bumuo ng task force.
Ito ang magbabantay at titiyak na walang negosyanteng makakapagsamantala sa muling pagtaas ng dagdag na buwis sa produktong petrolyo.
Base sa itinatakda ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law, simula January 1, 2019 ay papatawan ng dagdag na 2-piso ang excise tax sa kada litro ng gasolina at krudo.
Giit ni Gatchalian, dapat siguraduhin ng DTI at DOE na hindi ito makakaapekto sa retail price ngayon ng petrolyo dahil hindi naman bagong import ang kasalukuyang ibinebenta ng mga kompanya ng langis.
Kasabay nito ay inaasahan ni Gatchalian na nakahanda ang mga economic managers sa inaasahang pagtaas ng inflation rate bunga ng ikalawang bugso ng increase sa dagdag na buwis sa langis.
Diin ni Gatchalian, hindi na dapat maulit ang kakulangan ng paghahanda ng economic managers noong nakaraang taon laban sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.