Pabor din si Senate Basic Education Committee Chairperson Senator Sherwin Gatchalian sa panukalang magkaroon ng localized face to face learning sa mga lugar na walang COVID-19 sa bansa.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Gatchalian na ilan sa mga lokal na pamahalaan ang humihiling ng workshop para sa mga estudyante upang matugunan o makahanap ng paraan para magkaroon ng engagement ang mga bata.
Katwiran ng senador, mahalagang magkaroon ng ugnayan ang mga bata lalo na’t maraming mga estudyante ang nahihirapan na matuto ng mag-isa.
Batay sa isinusulong ni Gatchalian na localized at limitadong face to face learning, magkakaroon ng isang araw sa isang linggo o ilang oras lamang sa isang araw na klase ang mga estudyante.
Kinakailangan din aniyang magtakda ng parameters ng Inter Agency Task Force para sa pagbabalik eskuwela, batay sa infection rate sa lugar, angkop na silid aralan para sa physical distancing, maayos na ventilation, handwashing at istriktong compliance monitoring.
Nangangamba ang senador na baka masayang lang ang isang taon ng mga estudyante kung wala silang natutunan sa umiiral ngayong distance learning.