Handa si Senator Christopher “Bong” Go na paimbestigahan ang vaccine wastage mula sa mga nabiling bakuna noong nakaraang Duterte administration.
Sa naging pagtalakay sa pondo ng Department of Health (DOH), napag-alaman na mahigit 31 million doses ng COVID-19 vaccines na katumbas ng P15.6 billion ang nasayang o hindi nagamit.
Ayon kay Go, kung kakailanganin ang pagsisiyasat sa malaking pagkasayang ng bakuna ay handa siya na pangunahan ito.
Bilang chairman aniya ng Committee on Health, karapatan ng publiko na malaman kung bakit sumobra, bakit nasayang at kung ano talaga ang tunay na nangyari upang sa gayon ay hindi na maulit ang ganitong sitwasyon at maiwasan ang muling pagkasayang ng mga biniling bakuna.
Sinabi ni Go na kung wala namang nilalabag ngayon ay dapat maipakita na ang dokumento ng non-disclosure agreement (NDA) para malaman kung magkano talaga ang biniling bakuna.
Bukas din ang senador sa planong pagpapatawag ng Commission on Audit (COA) sa mga dating opisyal ng dating Duterte administration na lumagda sa NDA para sa pagbili ng bilyong pisong halaga ng COVID-19 vaccines tulad nina dating Finance Secretary Carlos Dominguez at dating Vaccine Czar Carlito Galvez Jr.
Kumpyansa si Go na maging si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nais din ng transparency sa isyung ito.