Makalipas ang dalawang dekada ay binalikan ni Senator Grace Poe ang kontrobersyal na “Hello Garci” Scandal.
Sa plenaryo ay sinariwa ni Poe ang eskandalong bumago sa kasaysayan ng Pilipinas.
Bagamat hindi naman pinangalanan ni Poe, pero batid na mahigpit na magkalaban noong 2004 presidential elections ang ama ng senadora na si yumaong Fernando Poe Jr. at si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa “Hello Garci” ay nag-sorry si Arroyo matapos na lumabas ang kontrobersyal na tawag ng isang babae na kaboses ng dating Pangulo at sa kabilang linya na hinihinalang si dating COMELEC Commissioner Virgilio Garcillano na inuutusang mag-produce ng isang milyong boto.
Sinabi pa ng senadora na bagamat may mga batas na ipinasa upang hindi na maulit ang “Hello Garci” scandal tulad ng computerization o automation pero malaking problema pa rin hanggang ngayon ang vote-buying.
Dahil dito, isinulong ni Poe ang Senate Bill 2664 o ang panukala na nag-aamyenda sa kahulugan ng vote-buying sa ilalim ng Omnibus Election Code kung saan sasakupin na rin ang pagbili ng boto sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya, computer, devices, software, at applications at parusang pagkakakulong na hindi bababa sa anim na taon at hindi rin tataas sa sampung taon.