Umaasa si Senator Grace Poe na isang maaasahang eksperto sa agrikultura ang itatalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na kalihim ng Department of Agriculture (DA).
Bago umuwi sa bansa si Marcos galing Davos, Switzerland ay sinabi nito sa media na isang ‘expert’ sa field ng agrikultura ang nais niyang ipalit sa kanya sa ahensya.
Ayon kay Poe, ang pahayag na ito ng pangulo ay isang magandang development para sa agriculture sector at sa mga mamamayan.
Umaasa aniya siya na isang competent, hardworking at accountable na indibidwal ang mangangasiwa sa ahensya.
Iginiit ni Poe na ang DA ngayon ay nasa sentro ng isa sa pinakamalaking hamon na kinakaharap ng bansa, ang inflation na dulot ng patuloy na pagtaas sa presyo ng pagkain.
Kaya naman sinabi ni Poe na mahalagang tahakin ng ahensya ang direksyon tungo sa pagpapataas ng produksyon at pagkamit ng food self-sufficiency ng bansa sa pamamagitan ng pagtatalaga ng isang DA Chief na hands-on at may kakayahang tumugon sa pangangailangan ng mga magsasaka, mangingisda at mga consumers at isang kalihim na may ‘moral ascendancy’ at may tapang na sugpuin ang korapsyon sa loob ng ahensya.