Nagbabala si Sen. Risa Hontiveros na malaking banta sa seguridad ng bansa ang plano ng Dito Telecommunity na magtayo ng cell towers sa loob ng military camps lalo na’t 40 porsiyento itong pag-aari ng Chinese government.
Ayon kay Hontiveros, ang Chinese control sa Dito ay “very material” sa gitna ng mga ulat na paggamit ng China ng cyber surveillance sa iba pang mga bansa.
Tinukoy niya ang pagbabawal sa 5G technology mula sa China sa advanced countries na nangangamba sa panghihimasok ng Chinese government sa kanilang communications systems.
“Hindi ito panghihimasok lang ng isang ordinaryong kompanya. Panghihimasok ito ng Chinese Communist Party, ang Politburo nila mismo,” pagbibigay-diin niya sa pagdinig ng Senado sa budget ng Department of National Defense (DND).
“China is clearly trying to gather data that could compromise the Philippine Navy, our first line of defense in the West Philippine Sea. Dapat nakalaan ang cybersecurity budget ng DND sa paglaban sa patuloy na pananalakay ng Tsina kung tunay na gusto nating protektahan ang ating soberanya,” dagdag ni Hontiveros.
Nauna rito ay nanawagan ang senadora sa Commission on Audit (COA) na repasuhin ang 2020 spending ng DND sa cybersecurity sa harap ng panukalang P500-million fund ng ahensiya para sa kaparehong kategorya sa 2021, gayundin ng kasunduan sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Dito.
“What we need to see from the DND is a robust cybersecurity roadmap that does assure us that our Armed Forces is more than ready for inevitable cyber threats,” ani Hontiveros.
Binigyang-diin niya na isa sa pinakamalaking cybersecurity threats sa bansa ay ang patuloy na ‘interception efforts’ ng China-backed groups.
Magugunitang noong nakaraang Mayo ay tinarget ng mga pinaghihinalaang Chinese People’s Liberation Army hackers ang Philippine government agencies at government-owned companies sa layuning makakalap ng ‘geo-political intelligence’.
Sinabi pa ni Hontiveros na noong April 2019, napaulat na tinarget ng isang Chinese cyber espionage group na kilala bilang APT10 ang government at private organizations sa Filipinas.
Sa parehong buwan, natuklasan din ng Analytics Association of the Philippines ang Chinese-related scripts na ipinasok sa source codes ng government websites, kabilang ang website ng Philippine Navy.