Tiniyak ni Senator Risa Hontiveros ang pagbibigay suporta sa mga grupong hahamon sa Maharlika Investment Fund (MIF) Bill sakaling ito ay tuluyang malagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ngayong araw, July 18, ay nakatakdang lagdaan ng pangulo ang MIF bill para maisama ito sa mga babanggitin na accomplishments ng presidente sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) sa susunod na linggo.
Ayon kay Hontiveros, sakaling lagdaan na ni Pangulong Marcos ang MIF bill ay may mga grupo naman na handang kwestyunin ang panukala sa Korte Suprema.
Sinabi ni Hontiveros na susuportahan niya ang mga grupong hahamunin ang sovereign wealth fund sa korte.
Aniya pa, mananatiling “firm” ang minorya sa kanilang pagtutol sa Maharlika Bill.
Hirit pa ni Hontiveros, nagsusumamo sa pangulo ang 20 ekonomista ng University of the Philippines (UP) na huwag na huwag sanang pirmahan ang MIF bill dahil mas makakasakit ito sa bansa sa halip na mas makatulong sa ating ekonomiya.