Mariing itinanggi ni Senator Imee Marcos na may namumuong destabilisasyon o planong pagpapatalsik laban sa kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos.
Giit ni Sen. Marcos, wala siyang naririnig na may lumulutang na kudeta laban sa kanyang kapatid at katunayan pa nga rito ay miyembro siya ng group chat ng mga retired general ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Aniya pa, may mga suhestyon ang mga retired generals sa pamahalaan at ito ay kinikilala naman ng kanyang kapatid na pangulo.
Aminado naman ang senadora na marami pang dapat na ayusin na problema sa retired AFP members at officials tulad ng pension na dapat agarang masolusyunan.
Iginiit pa ng senadora na dapat solusyunan ito kahit totoo na kulang sa pondo dahil ang pangako ay pangako na dapat tuparin at hindi dapat na atrasan.
Naniniwala rin si Sen. Marcos na pamumulitika lang ang nasa likod ng pagpapakalat ng kudeta sa militar kung saan napaka-aga pa nito bago ang 2028 presidential election.