Ipinasisiyasat ni Senator Jinggoy Estrada ang biglang paglobo ng kaso ng sakit na cholera sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Nababahala si Estrada na mula noong Enero ay umabot na sa 3,729 ang kaso ng cholera sa bansa na 282 percent ang itinaas kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon na nasa 976 ang bilang.
Nangangamba rin ang senador dahil karamihan sa 33 kataong naitalang nasawi sa sakit ay mga batang edad lima hanggang siyam na taong gulang.
Inihain ni Estrada ang Senate Resolution 266 para paimbestigahan ang mga sanhi ng pagtaas ng nakakabahalang kaso ng cholera sa bansa.
Inihirit din ng senador ang mga pangangailangan na ma-review ang mga umiiral na patakaran para maiwasan at mabawasan ang pagkalat ng sakit.
Tinukoy pa ng mambabatas ang ulat ng Global Task Force on Cholera Control (GTFCC) na sa pamamagitan ng multi-sectoral approach ay maaaring maiwasan ang naturang sakit tulad ng pagbibigay ng basic water, sanitation, at hygiene (WASH) services at oral cholera vaccines.