Naniniwala si Senator JV Ejercito na panahon na para si Pangulong Bongbong Marcos na ang kumausap sa gobyerno ng China.
Ang reaksyon ng senador ay kaugnay na rin sa patuloy na panghihimasok ng China sa West Philippine Sea kung saan noong June 30 ay hinarang at hinabol ng Chinese Coast Guard ang dalawang barko ng Philippine Coast Guard at ngayon naman ay namataan ang 48 Chinese fishing vessels sa may bahagi ng Recto Bank na sagana sa oil at gas.
Ayon kay Ejercito, sa kanyang tingin at dala na rin ng lumalalang pambu-bully ng China sa Pilipinas, panahon na para kausapin mismo ni Pangulong Bongbong Marcos si People’s Republic of China President Xi Jinping para talakayin ang sitwasyon sa West Philippine Sea.
Aniya, bagamat prerogative na ito ng ating pangulo, bahagi naman ng tungkulin ng isang Presidente na protektahan ang integridad at soberenya ng ating teritoryo.
Higit sa lahat aniya ay sarili nating mga mangingisda ang napagkakaitan ng karapatan sa kanilang kabuhayan sa West Philippine Sea at hindi na rin iginagalang ng China ang mga pakiusap at babala ng ating sariling Coast Guard.
Hinaing pa ng senador, nakailang padala na ng note verbale ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa China pero nagbibingi-bingihan at hindi ito pinapansin ng China.
Isa pa sa nakikitang pag-asa ni Ejercito para matigil na ang harassment at bullying ng China sa bansa ay ang iakyat ang isyu sa UN General Assembly para makakuha ng mas malawak na suporta mula sa international community at mapilitan ang China na kilalanin ang arbitral ruling na pumapabor sa Pilipinas.