Sen. Koko Pimentel, sinamahan sa ospital ang kanyang manganganak na misis kagabi dahil hindi pa niya alam na COVID-19 positive siya

Nilinaw ngayon ni Senator Koko Pimentel na hindi pa niya alam na positive siya sa COVID-19 nang samahan nya ang misis na si Katrina Yu sa ospital kagabi para sa nakatakdang panganganak sana ngayong araw.

Paliwanag ni Pimentel, bandang alas sais hanggang alas syete siya at ang misis nagpunta sa ospital, at alas nuwebe naman sya nakatanggap ng tawag mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na nagsabing siya ay positive sa COVID-19 kaya dali-dali na siyang umalis ng ospital.

Sabi ni Pimentel, March 14 ay nakaramdam siya ng pananakit ng katawan, bukod sa konting ubo at sore throat at March 18 naman ng siya ay makaranas ng 38°C na lagnat, may diarrhea rin pero ngayon ay okay na siya.


Diin pa ni Pimentel, wala ding kinalaman si Health Secretary Francisco Duque sa pag-check in o pagkuha nila ng room sa hospital.

Nauunawaan ni Senator Koko ang mga natatakot dahil sa kanyang taglay na virus pero huwag naman daw sana silang i-discriminate dahil hindi naman siya nagkalat ng droplets sa hospital na sa pagkakaalam niya ay nag-disinfect na rin.

Humihingi din si Pimentel ng pang-unawa bilang isang ama na excited sa pagsilang ng kanyang anak.

Umaasa si Pimentel, na mauunawaan din ang sitwasyon ng mga katulad niyang COVID-19 positive dahil hindi naman nila kagustuhan na makuha ang virus.

Sa mensahe naman ng kanyang misis na Katrina ay iginiit nito na hindi totoong pumasok pa ng delivery room si Senator Pimentel.

Sabi pa ni Katrina, agad ipinaalam ni Pimentel sa kanyang OB na siya ay positive sa virus nang malaman niya ito at agad ding umalis ng hospital.

Nalulungkot si Katrina sa mga hindi totoong impormasyon na kumakalat ngayon laban sa mister na ugat ng batikos ng mga netizen.

Facebook Comments