Manila, Philippines – Bukas si Senator Panfilo Lacson na magsagawa ng pagdinig kaugnay ng mga bagong alegasyon ni Peter Joemel Advincula alyas ‘Bikoy’.
Sabi ni Lacson, chairman ng Senate Committee on Public Order, posibleng magpatawag sila ng imbestigasyon kapag handa na si Bikoy na magpakita ng mga ebidensiya para sa kanyang mga bagong expose.
Sa bagong pagbubunyag ni ‘Bikoy’, nasa likod umano ng kontrobersiyal na “Ang Totoong Narcolist” videos at planong pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte ay ang oposisyon kabilang si Vice President Leni Robredo, Senator Sonny Trillanes at iba pa.
Matatandaang nag-balak din si Lacson na magsagawa ng imbestigasyon sa mga unang pagbubunyag ni Bikoy pero hindi niya ito itinuloy matapos ibulgar ni Senate President Tito Sotto na lumapit sa kanya si ‘Bikoy’ na iniuugnay naman si dating Pangulong Noynoy Aquino at iba pa sa drug trade.