Nagsumite na si Senador Leila De Lima ng counter affidavit sa reklamong sedition, cyberlibel, libel, estafa, harboring a criminal at obstruction of justice na inihain laban sa kanya ng PNP-CIDG at sa mahigit tatlumpung iba pa na nadadawit sa pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng “project sodoma.”
Sa kanyang pitong pahinang salaysay, sinabi ni De Lima na wala namang “particular act” na inuugnay sa kanya ang PNP-CIDG.
Isang beses lamang din aniyang nabanggit ang kanyang pangalan sa reklamo at ito ay sa enumeration ng pangalan ng mga respondent.
Dahil ito, hindi aniya siya maituturing na respondent sa kaso, kundi kasama lamang sa mga “enumerated personalities” kung saan wala namang sapat na katibayan na naiprisinta para suportahan ang paratang laban sa kanila.
Malabo rin aniya ang reklamong libelo laban sa kanyan dahil hindi siya naging bahagi ng press conference ni Peter Joemel Advincula sa IBP National Office sa Pasig City noong May 6, 2019 at kailanman ay hindi siya naging myembro ng liderato ng IBP.
Hindi rin daw maaring idawit siya sa krimeng “harboring a criminal at obstruction of justice” dahil siya ay nakakulong sa PNP custodial center.