Pinalagan ni re-electionist Senator Leila de Lima ang pag-aangkin ng China sa Panatag Shoal.
Kasunod na rin ito ng pahayag ng China na sila ang may karapatan sa Panatag Shoal na kilala rin sa tawag na Bajo de Masinloc matapos ang insidente ng “close distance maneuvering” ng isang Chinese coast guard vessel na lumapit sa BRP Malabrigo noong March 2.
Giit ni De Lima, pag-aari ng Pilipinas ang karagatan sakop ng Panatag Shoal lalo na’t nasa layo lamang ito na 200 nautical miles mula sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Ayon kay De Lima, bilang parte aniya ng EEZ, ang Pilipinas lang ang may exclusive sovereign rights para magsagawa ng exploration at exploitation sa mga marine resources sa Panatag Shoal.
Wala na rin aniyang dapat pang pagtalunan dahil ang Philippine EEZ ay base sa international treaty na UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) kung saan isa sa mga nakapirma rito ang China.
Una na ring kinatigan ng Permanent Court of Arbitration (PCA) ang Pilipinas at idineklarang walang legal na basehan sa ilalim ng international law ang Nine-Dash line claims ng China.
Noong nakaraang taon, naghain si De Lima ng resolusyon sa Senado para obligahin ang gobyerno na ipatupad ang sovereign rights ng Pilipinas sa West Philippine Sea.