Hinamon ni Senador Imee Marcos ang mga economic manager ng bansa na pangalanan ang mga kompanya sa export processing zone na sinasabi nilang umabuso sa tax incentives, na dapat nang tanggalin sa ilalim ng panukalang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Act.
Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, may posibilidad na gawa-gawa lang ang mga alegasyong pag-abuso sa tax incentives.
Ayon kay Marcos, ito ay para mabigyang katwiran ang sinasabing “rationalization” ng nasabing mga insentibo gaya ng mababang 5% na buwis sa Gross Income Earned (GIE).
Tinukoy ni Marcos ang pahayag ng Philippine Export Zone Authority, na walang pag-abusong nangyari dahil ang mga insentibo ay ibinibigay o napupunta hindi sa mga kompanya kundi sa mga produkto, bagong product development, bagong teknolohiya, at pagpapalawak ng karagdagang mga investment.
Nais ding malaman ni Marcos kung magkano ang kikitain kung ibabasura ang mga insentibo para sa mga exporter at gaano pa kalaki ang isusugal natin o ilalagay sa peligro sa pag-alis ng mga investors at pagkawala ng trabaho at foreign currency.
Sang-ayon si Marcos na tapyasan ang corporate income tax para mas malapit ito sa 15% tax rate ng ibang bansa sa Asya.
Subalit, giit ni Marcos, ang pag-aalis sa tax incentives ay magdudulot ng pagkadismaya sa foreign investment at magpapalala sa kawalang trabaho sa bansa kahit pa magkaroon ng bakuna laban sa COVID-19.