Nacionalista Party sa Kamara, nagpahayag na ng suporta sa bagong House leadership

56

Nagpahayag ng solidong suporta para kay Speaker Lord Allan Velasco ang 44 na kongresista ng Nacionalista Party (NP).

Matatandaang ang NP ang partido ni dating Speaker Alan Peter Cayetano.

Iginiit ni Deputy Majority Leader at Las Piñas City Rep. Camille Villar, isang lider ng NP, ang kahalagahan ng pagkakaisa ng supermajority ng Kamara sa ilalim ng liderato ni Velasco upang epektibo nilang maisakatuparan ang mga programa ng administrasyon para buhayin muli ang ekonomiya at labanan ang pandemyang dulot ng COVID-19.

Ipinararating din ng lady solon na nakahanda ang partido na makipagtulungan sa bagong liderato at nangako na titiyakin nila ang tagumpay ng legislative at economic agenda ng Pangulo.

Samantala, inihayag din ni Villar ang kanyang kagustuhan na maging co-author ng panukalang batas na magkakaloob ng anti-red tape powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para bilisan ang proseso ng pagkakaloob ng mga lisensiya at permits sa panahon ng national emergencies bilang isa aniya sa pinaka-epektibong paraan para labanan ang katiwalian sa pamahalaan.

Facebook Comments