Matapos magbitiw sa pwesto bilang Senate president, tatayong independent member ng Senado si Senator Migz Zubiri.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Zubiri na mananatili siyang independent at magiging patas sa Senado.
Aniya, wala siyang pagsisisi sa pagpapanatili na independent ang Mataas na Kapulungan at ipinagmalaki rin niya na sa loob 2 taon ng kanyang pagganap bilang Senate president ay wala siyang scandal at ginawa niya ng maayos ang kanyang trabaho.
Emosyonal na sinabi ni Zubiri na ‘heartbroken’ siya sa mga nangyari dahil may ilang senador ang naunang naghayag ng buong suporta sa kanya pero kanina ay biglang nawala o umatras ang mga ito.
Hindi naman pinangalanan ni Zubiri kung sinong mga mambabatas ang bumitaw sa kanya.
Sa tanong naman kung mananatili siyang kaalyado ng mayorya, sagot ni Zubiri ay pag-uusapan pa nila ito.
Hinihinala naman ni Zubiri na ilan sa mga posibleng dahilan ng pagpapalit ng liderato ng Senado ay ang mabagal na pag-usad ng Charter Change, pagharang sa People’s Initiative at ang imbestigasyon sa PDEA leaks kung saan nakaladkad sa imbestigasyon ang pangalan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.