Sen. Padilla, hindi susuko sa pagsusulong ng Cha-Cha

Hindi isusuko ni Senator Robin Padilla ang pagsusulong ng panukalang pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.

Sa gitna na rin ito ng pahayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na walang bilang sa mga senador ang Charter Change o Cha-Cha dahil marami sa mga mambabatas ang tutol dito.

Ayon kay Padilla, hindi naman siya pinipigilan ni Zubiri na ipatupad ang kanyang mandato para dinggin ang panukala bilang Chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes.


Katunayan pa aniya, ang instruction sa kanya ng Senate president ay magtuluy-tuloy lang pagdinig at hindi naman siya pipigilan.

Sinabi pa ni Padilla na wala rin siyang balak na makipag-usap kay Pangulong Bongbong Marcos Jr., para ilapit ang Cha-Cha dahil ayaw umano niyang maisip ng publiko na nagpapailalim ang Kongreso sa Ehekutibo.

Hindi aniya mahalaga sa kanya kung tinanggihan siya o natalo sa pagsusulong ng Cha-Cha mahalaga ay pinanindigan niya ang kanyang posisyon para dito.

Muli namang tiniyak ni Padilla sa mga kapwa senador na ang kanyang tinututukan sa pagsusulong ng Cha-Cha ay tanging pagbabago lang sa economic provisions sa pamamagitan ng Constituent Assembly o Con-Ass at wala nang iba.

Facebook Comments