
Nagpaliwanag si Senator Robinhood Padilla tungkol sa ginawang pagkukumpara sa Santo Papa ng Simbahang Katoliko sa Iran Supreme Leader na si Ayatolla Sayyid Ali Khamenei na nasawi matapos ang pag-atake ng US-Israel sa Iran.
Sa privilege speech kagabi ni Padilla, sinabi niya na kung may tinatawag na Pope ang Simbahang Katoliko ay meron din silang spiritual leader katulad ni Khamenei.
Umapela rin ang senador na huwag bansagang terorista si Khamenei dahil bukod sa lider ay spiritual leader nila ito at ito ay masakit sa kanilang mga Muslim dahil pinaniniwalaang apo si Khamenei ni Propeta Muhammad.
Paliwanag naman ni Padilla sa ginawang pagkukumpara, ginawa lamang niyang simple ang paglalarawan sa antas ng religious at political authority na pinanghahawakan ng Iranian leader.
Dagdag pa ng mambabatas, ang ginawa niyang analogy ay layon lamang na madaling maipaunawa sa publiko ang mahalagang impluwensya ng yumaong Iran supreme leader sa parehong usapin ng relihiyon at politika.










