Walang pagsisisi si Senator Aquilino “Koko” Pimentel III sa kanyang pagsuporta kay Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 Elections, kahit nabatikos ang kanyang leadership sa Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban).
Ayon kay Pimenetel, hindi sila nagsisisi na sinuportahan nila nag kandidatura noon ni Pangulong Duterte.
Sa halip, sinabi ni Pimentel na proud sila dahil na may nanalong pangulo mula sa kanilang partido.
Dapat lamang aniya na suportahan ang lahat ng programa ng Duterte administration dahil nasa iisang ‘barko’ lamang sila.
“Let us be happy na maging successful ‘yong kapitan natin ng barko ng term na 2016 to 2022. Let us make sure na successful siya kasi tayong lahat ang pasahero d’yan,” ani Pimentel sa isang panayam.
Idinagdag pa ni Pimentel na hindi na siya makikipag-argumento pa kay Pangulong Duterte sa kung sino ang dapat sisihin sa nangyayaring sigalot sa loob ng partido.
Naniniwala rin ni Pimentel na tutol lamang si Energy Secretary Alfonso Cusi sa pagtatalaga kay Senator Manny Pacquiao bilang acting president ng partido dahil gusto rin niyang kunin ang pwesto.
Nakatuon na aniya ang partido sa susunod na halalan at hindi dapat inuungkat ang mga nagdaang taon dahil ibang usapan na iyon.