Mariing itinanggi ni Senate President pro-tempore Ping Lacson na nag-eespiya siya sa opisina ni Senator Rodante Marcoleta.

Pumalag si Marcoleta sa ginawang pagpapakuha ni Lacson ng CCTV footages noong September 25 kung saan pumasok sa opisina ni Marcoleta si dating Marine Technical Sergeant Orly Regala Guteza at nagtagal doon ng 30 minuto.

Si Guteza naman matapos isiwalat na dati siyang aide ni dating Congressman Elizaldy Co at naghahatid ng male-maletang pera sa dating amo at kay former Speaker Martin Romualdez ay hindi pa matunton sa ngayon ng Blue Ribbon Committee.

Pinayuhan ni Lacson si Marcoleta na huwag maging balat-sibuyas dahil pampublikong lugar ang Senado at sila ay mga public officials kaya asahan na kahit mga bumibisita sa kanila ay mauusisa.

Idadaan naman ni Lacson kina Marcoleta o kaya kay dating Congressman Mike Defensor ang subpoena kay Guteza dahil ang mga ito naman ang nagpaharap sa testigo at sakaling hindi sumipot sa susunod na pagdinig ay hindi naman niya ipaaaresto si Guteza dahil iniimbestigahan na ito ng korte sa Maynila dahil sa pamemeke ng pirma sa notaryo ng sinumpaang salaysay.

Facebook Comments