Ikinalugod ni Senator Ramon ‘Bong’ Revilla ang impormasyon na lalagdaan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sa Lunes ang isinulong niyang panukala na magkakaloob ng benepisyo sa mga Pilipinong aabot ng edad 80-anyos pataas o ang Centenarians Law.
Sa bagong batas na lalagdaan ng pangulo, bukod sa mga centenarians ay tatanggap na rin ng cash gift ang mga octogenarian at nonagenarian.
Sa ilalim ng tinatawag na Revilla Law, ang mga may edad na 80, 85, 90 at 95 ay makatatanggap na rin ng halagang ₱10,000 habang ang mga aabot sa edad na 100 taong gulang ay patuloy na makatatanggap ng ₱100,000.
Layon ng batas na ito na mapaaga ang pagbibigay ng benepisyo sa mga lolo at lola na aabot sa mga nasabing edad.
Itinatakda rin sa batas ang pagkakaroon ng Elderly Data Management System na pamamahalaan ng National Commission on Senior Citizens upang matiyak na ang mga kuwalipikadong mga benepisyaryo ang makakuha ng cash gift.