Sen. Revilla: Maynilad at contractor nito, dapat managot sa pagkakaroon ng butas sa daan

 

Iginiit ni Senate Committee on Public Works Chairman Ramon Bong Revilla Jr., na dapat managot ang Maynilad at ang kontraktor nito sa pagkakaroon ng sinkhole o malaking butas sa gitna ng daan sa Sales Road sa Pasay City.

Batay sa Department of Public Works and Highways (DPWH), ang naturang malaking butas sa daan na may lalim na halos sampung talampakan ay sanhi ng malakas na tagas mula sa water pipeline ng Maynilad.

Ayon kay Revilla, dapat lamang na managot ang Maynilad at ang mga contractor nito dahil sa banta ng panganib sa mga dumadaan na mga motorista.


Puna pa ng senador, ang nasabi ring butas ay malapit na sa pundasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Expressway elevated highway at nakakatakot aniya ang posibleng epekto nito kung hindi agad naaksyunan ang sinkhole.

Binigyang-diin pa ni Revilla na dapat lang managot ang water concessionaire upang higit na maging reponsable ito sa magiging epekto ng kanilang serbisyo.

Facebook Comments