Umuusok sa galit si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., matapos na matengga ng napakatagal na oras sa tollway ng coastal road dahil sa hindi matapos-tapos na problema sa Radio Frequency Identification (RFID) stickers.
Nabatid na bandang ala-1:00 ng hapon ay umalis ng kaniyang tahanan sa Bacoor City si Revilla upang magtungo sa isang pagpupulong sa Metro Manila kaya obligado itong dumaan sa tollway ng Coastal Road.
Si Revilla na regular dumadaan sa naturang tollway ay sanay nang nakakadaan ng halos ilang minuto lamang ngunit dahil sa palpak na RFID sticker ng Easytrip ay hindi ito umabot sa tamang oras ng kaniyang appointment.
Ang Easytrip ay nasa ilalim ng pamamahala ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) ay inatasan ng Department of Transportation (DOTr) noon pang nakaraang Oktubre na gawin ng cashless ang transaksyon sa mga tollway upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 at mapabilis ang sistema.
Ngunit dahil sa walang maayos na sistema ang MPTC sa pagkakabit ng RFID sticker ay nausog ang deadline ng pagpapatupad nito mula noong Nobyembre 2 hanggang sa Enero 11 ng susunod na taon.