Umapela si Senator Risa Hontiveros na mapaparusahan din sa maanomalyang pagbili ng suplay ng sibuyas sa Kadiwa Stores ang mga matataas na opisyal ng Department of Agriculture at Food Terminal Inc.
Ang reaksyon ng senadora ay kaugnay na rin sa pagpapataw ng Office of the Ombudsman ng anim na buwan na “preventive suspension w/o pay” sa tatlong DA officials at dalawang FTI officials na dawit sa maanomalyang pagbili ng suplay ng sibuyas para sa Kadiwa Food Hub Project.
Ayon kay Hontiveros, welcome ang ibinabang kautusan ng Ombudsman laban sa mga opisyal na iniimbestigahan at sangkot sa maanomalyang kasunduan sa kinuhang onion supplier para sa mga Kadiwa Stores.
Subalit, umaasa si Hontiveros na sa ongoing investigation sa anomalya ay hindi lang mababa o mid-level officials ang maparusahan kundi pati na rin ang mga boss ng mga ito na siyang nag-uutos at kumukunsinti sa iligal na gawain.
Paalala ng senadora na ang mga pampublikong tanggapan ay pinagkakatiwalaan ng publiko kaya dapat palaging isaisip ng mga public servants na ang kanilang pinagsisilbihan ay ang taumbayan.