Sen. Risa Hontiveros, idinetalye ang tubong-lugaw na maaaring kitain ng tatlong pinaburang importers ng asukal

Ibinulgar ni Senator Risa Hontiveros ang tubong-lugaw na maaaring kitain ng mga piling importer ng asukal.

Sa impormasyon ni Hontiveros, lumapit umano ang isang industrial user company kay Agriculture Usec. Domingo Panganiban para tanungin kung maaari silang mag-import ng asukal sa Thailand para sa pansariling gamit.

Pero, sa halip na makatulong para makatipid ang kompanyang humingi ng tulong sa ahensya ay itinugon umano ni Panganiban na mayroon lamang tatlong importers ng asukal ang dapat na lapitan sa pangunguna ng “All Asian Counter Trade”.


Batay rin sa sources ng mambabatas, nang lumapit na ang nasabing kompanya sa All Asian Counter Trade ay pinresyuhan ito ng wholesale price ng asukal na ₱85 kada kilo na may tubo na ₱24.

Limampung beses aniya ang itinubo sa presyo ng asukal dahil makakabili naman ng wholesale ng refined sugar sa Thailand ng ₱25 kada kilo.

Aniya pa, sa isang matinong importer ay aaabot lang dapat sa ₱61 ang presyo ng isang kilong asukal.

Sa 440,000 metric tons na iaangkat na asukal ngayong taon mula sa tatlong piling trade importers ng Department of Agriculture (DA), inaasahang tutubo ang mga ito ng ₱10.5 billion hanggang ₱14 billion.

Duda rin si Hontiveros kung may impluwensya ang Malakanyang sa tatlong napiling sugar traders matapos lumutang ang larawan na kasama ng mga ito sina Pangulong Bongbong Marcos at Usec. Panganiban.

Facebook Comments