Sen. Risa Hontiveros, magsasampa na ng kaso sa NBI laban sa testigong si alyas Rene

Magsasampa na ng kaso sa Miyerkules si Senator Risa Hontiveros laban kay Michael Maurillo o alyas Rene sa National Bureau of Investigation (NBI) na nag-akusa na binayaran siya ng senadora ng ₱1 million para tumestigo sa mga seryosong kaso laban kay Pastor Apollo Quiboloy at idawit sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte.

Sa pulong balitaan, iginiit ni Hontiveros na bukod sa iba pang mga testigo ay nalagay rin sa alanganin ang kaligtasan ng kaniyang mga staff matapos na isapubliko ni Maurillo ang kanilang mga pangalan.

Bilang patunay na hindi pinilit at hindi binayaran si Maurillo ay inilabas ng senadora ang mga screenshots ng palitan ng mensahe nito sa kanyang mga staff taliwas sa claim na siya’y pinilit at binayaran.

Magkasunod na nagpadala ng e-mail si Maurillo sa tanggapan ng senadora noong December 14 at 15, 2023 at nagalok ng kanyang testimonya laban sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) at kay Quiboloy.

Kabaligtaran din sa sinasabi na binayaran siya para magsinungaling sa Senado, ipinakita ni Hontiveros ang text message noong February 7, 2024 kung saan si Maurillo mismo ang humihingi ng financial assistance para pambili ng laptop at makahanap ng trabaho.

Sinabi pa ni Hontiveros na kung may nag-alok man na magbayad kay Michael ay posibleng ito ang KOJC dahil may mensahe sa kanila si Maurillo noong February 22, 2024 kung saan kinukumbinsi siyang mag-recant o bawiin ang testimonya laban kay Quiboloy kapalit ng malaking pera.

Facebook Comments