Sen. Risa Hontiveros, susuporta kung may kukwestyon sa Maharlika Investment Fund sa Korte Suprema

Susuporta si Senator Risa Hontiveros sakaling may kumwestyon sa Maharlika Investment Fund (MIF) sa Korte Suprema.

Ito’y kahit pa ikinatuwa niyang protektado mula sa MIF ang pension at social welfare funds ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) at naglagay pa ng parusa para sa mga aabuso o gagawa ng masama sa Maharlika fund.

Paliwanag ni Hontiveros, alinsunod sa Section 16 Article 12 ng Konstitusyon, nakasaad na ang government owned and controlled corporation o GOCC tulad ng lilikhaing Maharlika Investment Corporation (MIC) ay kailangang pumasa sa “test of economic viability”.


Aniya, maraming economic experts ang duda kung dumaan at pumasa ang sovereign wealth fund sa pagsusuri kung makakatagal ito sa mga hamon ng ekonomiya.

Naniniwala si Hontiveros na hindi ang MIF ang kailangan natin sa ngayon.

Dagdag pa ni Hontiveros, hihintayin niya ang magiging implememting rules and regulations (IRR) at masusing magbabantay para masiguro na ang inilagay na mga paghihigpit sa MIF Bill ay hindi mawawala.

Facebook Comments