Sen. Robin Padilla, ikinatuwa ang pagiging bukas ng Kamara sa pagpapatawag ng ConAss para sa pag-amyenda ng economic provisions ng Konstitusyon

Ikinalugod ni Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes Chairman Senator Robin Padilla ang pahayag ni House Speaker Martin Romualdez na bukas ang Kamara sa anumang suhestyon ng Senado patungkol sa Charter Change (Cha-Cha).

Bagama’t Constitutional Convention (ConCon) ang inaprubahang paraan ng Kamara para amyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon, sinabi ni Romualdez na nakahanda naman ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na makipagusap sa Senado at magkasundo sa huli kung anong mode ang gagamitin para sa Cha-Cha.

Ang Senado naman ay Constituent Assembly (ConAss) ang paraang nais gamitin para sa pag-amyenda sa ilang probisyong pang-ekonomiya ng Saligang Batas.


Ayon kay Padilla, pagpupugay at pasasalamat ang kanyang ipinaabot para sa liderato ng Kamara sa pagiging bukas ng mga ito sa ConAss na siyang isinusulong ng kanyang komite.

Dahil aniya sa pahayag ni Romuladez, hudyat na ito para tapusin ng senador ang committee report ng panukala.

Sinabi ni Padilla na mamadaliin niya nang tapusin ang committee report para sa pag-amyenda ng economic provision sa pamamagitan ng ConAss at oras na matapos ang report ay agad din niyang ipapaikot ito para papirmahan sa mga miyembro ng komite.

Naunang inihayag din ni Padilla na kumpyansa siyang makakakuha ng sapat na suporta mula sa mga kasamahang mambabatas para maiakyat na sa plenaryo ng Senado ang Cha-Cha.

Facebook Comments