Sen. Robin Padilla, isusulong ang death penalty para sa mga BOC personnel na makikipagsabwatan sa mga smuggler

Maghahain si Senator Robin Padilla ng panukalang batas na patawan ng parusang kamatayan ang mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) na mapapatunayang nakipagsabwatan sa mga smuggler.

Sa pagdinig ng Senado kaugnay sa isyu ng agricultural smuggling, tinukoy ni Padilla na pinamumugaran ang ahensya ng smuggling at mismong ang ating mga law enforcers ang nakakaladkad sa isyu.

Dahil aniya talamak ang smuggling, hindi kuntento ang senador na ‘life imprisonment’ o habambuhay na pagkakakulong lang ang kakaharapin ng mga tauhan ng BOC na sangkot sa pagpapalusot ng smuggled na produkto.


Iginiit pa ni Padilla na kapag napatunayang sangkot sa smuggling ang mga taga-BOC ay dapat lamang na kamatayan ang maipataw sa mga ito.

Kanina sa simula ng pagdinig, napikon si Padilla sa mga resource person ng BOC dahil habang nagpapahayag ng kanilang mga opening statement ang mga senador ay napansin niyang hindi nakikinig ang mga ito.

Pinagsabihan ni Padilla ang mga tauhan ng Customs kung hindi ba sila nahihiya na smuggling ang pinag-uusapan at dahil sa kahinaan nila ay mas lalong naghihirap ang mga magsasaka sa kanilang kabuhayan.

Dagdag pa ng mambabatas, nakakahiya na bilang agricultural country ay nag-i-import ang bansa at pinamumugaran ang Pilipinas ng mga smuggler.

Samantala, hindi naman itinanggi ng Customs na may mga tauhan sila na nasasangkot sa smuggling na posibleng nangyayari sa mga port at iregularidad sa anti-smuggling division.

Facebook Comments