Umaasa si Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes Chairman Senator Robin Padilla na makukuha ang lagda ng mayorya ng mga senador para sa committee report ng panukalang pagpapatawag ng Constituent Assembly (ConAss) para amyendahan ang economic provisions ng 1987 Constitution.
Ito ay matapos isara ng tatlong komite ang pagdinig sa panukalang Charter Change sa pamamagitan ng ConAss na ginanap kahapon sa Cebu City.
Bago ang pagtatapos ng pagdinig ay sinabi ni Padilla na patuloy niyang isusulong ang ConAss na paraan para amyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon kahit pa sila ay kinukutya at marami ang gustong pigilan sila sa kanilang ginagawa.
Dahil tinapos na ang pagdinig sa panukala ay bubuuhin na ng komite ang report at umaasa si Padilla na makukuha ang lagda ng mayorya ng mga kasamahang mambabatas at umabot sa plenaryo ang panukala.
Ikokonsulta rin muna ni Padilla sa mga lider ng PDP Laban ang committee report at kung wala nang ipapabago ay dadalhin niya na ito sa komite para papirmahan sa mga miyembro.
Samantala, habang binubuo pa ang committee report, itinakda naman ni Padilla sa Lunes ang pagdinig ukol sa itinutulak ng Kamara na pagpapatawag naman ng Constitutional Convention (ConCon) para sa pag-amyenda ng Konstitusyon.