Ipinapanukala ni Senator Francis Tolentino na patawan ng dagdag na bayad ang mga users na magpaparehistro ng higit sa tatlo na subscriber identity module o SIM.
Ayon kay Tolentino, ang kanyang mungkahi na patawan ng mas mataas na bayad ang pang-apat na SIM ay may layong masugpo na ang scammers sa bansa.
Inihalintulad ng senador ang kanyang mungkahi sa sitwasyon ng mga homeowner association sa mga subdivision na kapag may ikatlong kotse ay mas mataas ang bayad sa pagkuha ng sticker.
Layunin aniya ng mungkahing ito na matulungan ang mga mahihirap na kababayan na kadalasang naloloko ng mga scammers at mapigilan ang mga balak manloko sa mga kababayan lalong lalo na ang mga bumibili ng 50, 100 o higit pa na SIM cards.
Matatandaang sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Public Services ay ibinahagi ng National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division ang lantarang pagbebenta ng SIM sa social media platforms gayundin ang paggamit ng pekeng identification sa pagrehistro ng SIM.