Sen. Villanueva, dismayado sa pag-veto ng Pangulo sa probisyon sa 2019 budget kaugnay sa pag-isyu ng work permit sa mga dayuhan

Manila, Philippines – Ikinadismaya ni Senator Joel Villanueva ang pag-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa special provision na nakapaloob sa 2019 budget na nagbabalik sa Department of Labor and Employment (DOLE) ng solong otoridad sa pag-iisyu ng work permits sa mga dayuhan.

Layunin ng nabanggit na probisyon na alisan ng kapangyarihan ang Bureau of Immigration (BI) na mag-isyu ng work permit sa mga dayuhan.

Ipinaglaban ni Villanueva na maipaloob ang nabanggit na probisyon sa 2019 budget bilang solusyon sa pagdami ng mga dayuhan na ilegal na nagtatrabaho sa bansa.


Ito ay makaraang lumabas sa pagdinig ng Committee on Labor na pinamumunuan ni Villanueva na ang kwestyunableng pag-isyu ng sangkaterbang work permit sa mga dayuhan ay bunga ng katiwalian sa Bureau of Immigration (BI).

Tiniyak naman ni Villanueva na ang ginawa ng Pangulo ay hindi makakaapekto sa patuloy nilang paghanap ng solusyon sa pagtaas ng bilang ng illegal foreign workers sa bansa.

Facebook Comments