Manila, Philippines – Nangunguna si Senadora Cynthia villar sa mga iboboto ng mga Pilipino sa pagkasenador sa nalalapit na 2019 Midterm elections.
Base sa bagong survey ng Social Weather Stations (SWS), nakakuha si Villar ng 62% voter preference o katumbas ng 37 milyong botante.
Sinundan siya ni Senadora Grace Poe sa ikalawang pwesto na may 60% o nasa 36.4 million na botante.
Tabla sa ikatlo hanggang ikalimang pwesto sina Taguig Representative Pia Cayetano, Senador Sonny Angara at Senadora Nancy Binay na pawang nakakuhan ng 40%.
Nasungkit naman ng aktor at dating Senador Lito Lapid ang ika-anim na pwesto na may 38% voter preference.
Tabla naman sa ikawalo at ikasiyam na pwesto sina Senador Koko Pimentel III at dating Senador Jinggoy Estrada na may 34%.
Pasok sa ikasampung pwesto si dating DILG Secretary Mar Roxas na may 28% kasunod si Ilocos Norte Governor Imee Marcos na may 27%.
Kukumpleto sa top 12 ay si Senador JV Ejercito na may 27% voter preference o katumbas ng 15 milyong boto.
Tabla sa ika-13 at ika-14 na pwesto sina dating Senador Serge Osmeña at Senador Bam Aquino.
Nag-aagawan naman sa ika-14 hanggang ika-15 pwesto sina dating Presidential Aide Bong Go at dating BuCor Chief Ronald Dela Rosa.
Tabla naman sa ika-17 at ika-18 pwesto sina dating Presidential Political Affairs Adviser Francis Tolentino at dating Senate President Juan Ponce Enrile.
Isinagawa ang nationwide survey mula December 16 hanggang 19 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 respondents na may margin of error na +/- 3%.