Inasahan na ni Senator Juan Miguel Zubiri ang pagpapatalsik sa kanya sa pwesto bilang pangulo ng Senado.
Ayon kay Zubiri, nakita niya na ito lalo pa’t sa mga nakalipas na buwan at araw ay mas iginiit niya ang pagiging independent ng Senado at hindi siya nagpadikta sa mga impluwensya mula sa labas ng Mataas na Kapulungan.
Sinabi ni Zubiri na noong nakaraang Miyerkules ay nalaman na niya na nag-umpisang mag-usap-usap ang kabilang grupo at mula nitong weekend ay nagbabantayan na kung ano ang magiging takbo.
Katunayan aniya ay sinabi niya sa kanyang staff noong una na parang ayaw niya na maging Senate President pagsapit ng 2025 kaya lamang napaaga ang kanyang pagbaba sa pwesto.
Magkagayunman, tinitingnan na lamang ni Zubiri sa positibong aspeto ang pagalis sa posisyon dahil mas marami na siyang oras sa pamilya, matututukan na niya ang kanyang kalusugan at wala na ring pressure sa kanya.